Batang bata ka pa..

Sunday, March 20, 2011

Naisip mo ba minsan na sana bata ka na lang ulit? Sa maraming pagkakataon, oo. Pero kung lahat tayo mananatiling bata, paano nalang kaya? Isang daigdig ng mga bata. Buti na lang naisip ng Diyos na dapat magdevelop ang tao. May bagong body changes, may dagdag learning, may realizations.

Nung bata pa 'ko, masaya na 'ko kapag binigyan ako ng piso. Sa paglipas ng panahon, iba na ang gusto ng mga bata. Papel na pera na ang hinihingi ngayon. Maraming piso. Pero habang lumalaki ako (maybe not in height. haha), narealize kong hindi sa piso o sa maraming pera makukuha ang tunay na kaligayahan. May mga taong milyonaryo pero nagpapakamatay. Bakit? Kasi hindi sila masaya. Siguro kung parang produkto na ibinebenta ang kaligayahan, baka mahal ang presyo. At mayayaman lang ang magiging masaya. Buti nalang hindi. Kasi kahit ngayong bente pesos lang ang laman ng bulsa ko, masaya ako.

Sa maniwala ka ma't hindi, nag-eexcel ako nung elementary (especially grade 1) sa Math. Pero nung naintroduce sa'kin ang Cartesian Plane, Pythagorean Theorem, SOHCAHTOA, One Way ANOVA (Analysis Of Variance), naging isa ako sa pinakatahimik sa classroom. Hindi ko alam kung anong meron kay X and Y at lagi silang pinoproblema. Let X be the blah, blah, blah.. Substitute Y to the blah, blah, blah... Kung hanggang ngayon ang tanong ay laging, "Count the red apples inside the box", siguro nag-eexcel parin ako sa Math. Pero hindi pala dapat makuntento sa dating kaalaman lang. Kailangan ng new learning.

Dati 'pag nagkakasugat ako, ginagamot agad ng nanay ko. Nililinis, nilalagyan ng Betadine, Band-Aid o kaya ng Gauze Bandage. Pero ngayon nalaman ko na may mga sugat na hindi kayang gamutin ng Betadine at hindi kayang tapalan ng Band- Aid. May ibang sugat na taon ang binibilang bago tuluyang maghilom. Yun yung mga sugat na hindi pisikal. Kundi sugat sa puso. Sa emosyon. Sa damdamin. Sa pagkatao.

Sabi sa theory ng isang kilalang Psychologist na si Erik Erikson, may Psychosocial Stages of Development daw na pinagdadaanan ang tao. Una yung Basic Trust vs. Mistrust. Ibig sabihin, bata pa lang, natututo ng magtiwala ang tao. Kaya pala may mga babies na umiiyak kapag ibang tao ang bumibitbit sa kanila. Kasi, nakapag invest na sila ng maraming tiwala sa mga magulang o sa mga taong madalas nilang kasama. Pagtitiwala. In my 18 years of existence, maraming beses na akong nagtiwala sa iba't ibang tao. Nagtiwala, umasa at nabigo. Nalaman kong ang tiwala ay parang isang precious glass. Dapat ingatan. Dahil kapag nabasag at nagkapira-piraso, mahirap nang ibalik sa dati nitong anyo. Siguro pwede pang idikit. Pero hindi na maaalis ang crack at naiwang bakas ng pagkakasira nito kahit gumamit pa ng pinakamatibay na glue.

 

Ngayon ko pinanghihinayangan ang mga panahon noong bata ako na pinapatulog ako ng nanay ko pag tanghali pero ayaw ko. Mas gusto kong gawin ang ibang bagay. Habang tumatanda ang tao, nadadagdagan ang responsibildad nya at alalahanin. Hindi na nakakatulog nang sapat at maayos. Sana nung bata pa 'ko hindi ko pinalagpas ang mga pagkakataong binigay para matulog ako. Marami ngayon ang natutulog nalang sa klase, sa byahe, sa trabaho, natutulog habang kumakain, habang naglalakad. Kung maiisip lang ng mga bata ang kahalagahan ng pagtulog, siguro wala ng batang kailangang takutin o utuin muna ng magulang para lang matulog.

Pag-ibig? Syempre hindi mawawala yan. Dati hindi ko alam kung anong misteryo ang nababalot sa salitang "love" kung kaya maraming nagagawa ang tao dahil dito. May nagpapakamatay, may pumapatay, may nagpapakamartir, may nababaliw. Minsan nga naitanong ko, nilagay ba ng Diyos sa puso ng tao ang pagmamahal para lang sa mga bagay na ito? Pero hindi pala. Sa tingin ko, ang pag-ibig, dapat ishine-share. Not give. Pag "share", may matitira pa sa'yo. Pero pag "give", wala na. Kasi naibigay mo na lahat. Sabi ng prof ko sa Abnormal Psychology, kapag nagmahal ka daw, 20 or 30% lang ang ilaan mo. Para kung sakaling mawala sya at iwan ka, may matitira pang malaking porsyento sa sarili mo. That is not being selfish. That is being practical and intelligent. Maganda ang magmahal. Pero sana, malaman natin ang salitang "LIMIT". Lahat naman ng sobra hindi maganda. Alamin kung kailan gagamitin ang isip. Alamin kung paano pagaganahin ng tama ang puso at damdamin.

Masarap kumain, pero mas okay kung may kasalo. Masayang kumanta, pero mas masaya kung may kajamming. Maganda sa pakiramdam ang sumulat ng kwento pero mas maganda kung may kakwentuhan. Masaya manood ng funny movies, pero mas masaya kung mayroon kang katawanan. Maganda ang buhay. Pero mas maganda kung mayroon kang kasama sa buhay. Kaya kung sino man ang ibinigay ng Diyos na kasama mo sa buhay, maaaring pamilya, mga kaibigan o espesyal na tao, mahalin at pahalagahan mo. Dahil hindi sila forever na nariyan. Lahat ng nandito sa daigdig ay pansamantala.

Naging bata ako. Lumaki. Nagkaisip. Nagkaroon ng realizations. Nalaman kong hindi masayang kainin ang dulo ng lapis o ballpen kasi hindi naman masarap. Nalaman kong hindi totoo na may lalabas na pari sa sugat mo. Nalaman kong ang bumbay ay hindi nagbabahay-bahay para ilagay sa sako ang mga batang hindi natutulog pag tanghali kundi para maningil ng mga pautang. Sa dami ng karanasan simula pagkabata, maganda man o hindi, masakit man o masaya, lahat ng iyon may aral na gustong ituro sa atin. Mga aral na malalaman lang natin kapag naisip nating ang mata ay hindi lang dapat iminumulat kundi ginagamit din para tingnan at titigan ang  mga nakapaloob sa bawat bagay.

 

 

"When I was a child, I spake as a child, I understood as a child, I thought as a child: but when I became a man, I put away childish things."

 

- 1 Corinthians 13:11

 

 

Ramil Bautista posted in Meizon Team.

  • Share:

You Might Also Like

0 comments

Chitika